Isaiah 2

Kapayapaan sa Mundo

(Micas 4:1-3)

1Ito ang ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem:

2Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok.
Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa.
3Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob.
Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon.
4At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa.
Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan.
Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at karit na pantabas ang kanilang mga sibat.

5Halikayo, mga lahi ni Jacob, mamuhay tayo sa katotohanan,
katotohanan: sa literal, liwanag.
na ibinigay sa atin ng Panginoon.

Ang Araw na Magpaparusa ang Dios

6Totoong itinakwil nʼyo, Panginoon, ang mga mamamayan ninyo, ang lahi ni Jacob, dahil naniniwala sila sa mga pamahiing mula sa silangan at sa mga manghuhula, gaya ng mga Filisteo. Sinusunod nila ang pag-uugali ng mga dayuhan. 7Sagana sa pilak at ginto ang lupain ng Israel, at hindi nauubos ang kanilang kayamanan. Napakarami nilang kabayo, at hindi mabilang ang mga karwahe nila. 8Marami silang dios-diosan, at sinasamba nila ang mga bagay na ito na sila mismo ang gumawa. 9Kaya Panginoon, ibagsak nʼyo ang bawat isa sa kanila, nang mapahiya sila. Huwag nʼyo silang patatawarin.

10 Mga taga-Israel, tumakas kayo papunta sa mga kweba at mga hukay para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 11Darating ang araw na tanging ang Panginoon lamang ang pupurihin. Ibabagsak niya ang mayayabang at mga mapagmataas. 12Sapagkat nagtakda ang Panginoong Makapangyarihan ng araw kung kailan niya ibabagsak ang mga mayayabang at mapagmataas, at ang mga nag-aakalang silaʼy makapangyarihan. 13Puputulin niya ang lahat ng matataas na puno ng sedro sa Lebanon at ang lahat ng puno ng ensina sa Bashan. 14Papantayin niya ang lahat ng matataas na bundok at burol, 15at wawasakin ang lahat ng matataas na tore at pader. 16Palulubugin niya ang lahat ng barko ng Tarshish at ang mga naggagandahang sasakyang pandagat. 17Ibabagsak nga niya ang mayayabang at mga mapagmataas. Tanging ang Panginoon ang maitataas sa araw na iyon. 18At tuluyan nang mawawala ang mga dios-diosan.

19Kapag niyanig na niya ang mundo, tatakas ang mga tao papunta sa mga kweba sa burol at sa mga hukay sa lupa para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 20Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at mga paniki ang mga rebulto nilang pilak at ginto na ginawa nila para sambahin. 21Tatakas nga sila papunta sa mga kweba sa burol at sa malalaking bato para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan kapag niyanig na niya ang mundo.

22Huwag kayong magtitiwala sa tao. Mamamatay lang din sila. Ano ba ang magagawa nila?

Copyright information for TglASD